PATNUGOT: Andrea Gail Pizarro
Upgraded Automated Voting Machine, Ipinakita sa mga Estudyante ng LGMCi bilang paghahanda sa Halalan 2025
nila Rein Andrei Parafina and Khen Adrian Gardose
Ipinakilala ng Commission of Election (ComElec) ang upgraded Automated Counting Machine (ACM) sa mga pre-service teacher ng Dalubhasaang Leon Guinto, kung saan naranasan ng mga estudyante ang makabagong teknolohiya sa isang demonstrasyon noong ika-5 ng Disyembre sa LGMCi Administration.
Pinangunahan ni Abdul Rahim Andamar, Election Assistant, ang pagpapakita ng Automated Voting Machine (ACM) na layuning mapabilis ang proseso at tiyakin ang tumpak na resulta sa darating na halalan.
Ipinakita rin niya kung paano gumagana ang makina upang magbigay ng mas mabilis at ligtas na pagbibilang ng mga balota sa mga susunod na eleksyon.
Habang ipinapakita ang proseso ng makina, kapansin-pansin ang kasabikan at kuryusidad ng mga estudyante dahil sa modernong hitsura ng makina, inisip ng ilan na ito ay isang bagay na bago at kakaiba sa kanilang karanasan sa mga nakaraang halalan.
Isa sa mga highlight ng aktibidad ay ang hands-on na pagkakataon ng mga estudyante na bumoto at gamit ang automated voting machine.
Ayon kay P/MAJ Bokyo Abellanida ng Atimonan, ang makina ay may mataas na antas ng seguridad, kaya’t malaki ang proteksyon laban sa pandaraya at hacking.
Pinuri ni Abellanida ang makina bilang isang modernong kagamitan na magpapabilis ng proseso at magbibigay ng mas maagap na resulta sa eleksyon.
Nagpasalamat ang mga organizer sa aktibong pakikilahok ng mga estudyante at sa kanilang bukas na pag-iisip sa mga benepisyo ng automated voting system.
Binigyang-diin ni Andamar na ang makina ay magbibigay ng instant na kopya ng boto sa screen, na magtitiyak ng transparency sa buong proseso ng halalan.
Ang automated machine ay tumpak at mabilis sa pagbibilang ng mga balota, kaya’t malaki ang maitutulong nito sa pag-iwas sa mga pagkakamali at pandaraya.
Ang makina ay magbibigay din ng real-time na kopya ng boto upang tiyakin ng bawat botante na tama ang kanilang piniling kandidato.
Bagamat kakaunti pa lamang ang automated voting machines sa bansa, umaasa ang mga organizer na mas maraming makina ang magagamit sa mga darating na halalan.
Inaasahan ng mga eksperto na sa hinaharap, ang mas maraming makina ay magpapabuti sa sistema ng halalan at magbibigay ng mas maayos na proseso sa buong bansa.
Sa pagtatapos ng programa, umalis ang mga estudyante na may mas malalim na pag-unawa sa makabagong teknolohiya at ang epekto nito sa eleksyon.
Ayon kay Andamar, ang event na ito ay isang hakbang patungo sa isang mas progresibong sistema ng halalan para sa mas matagumpay na halalan sa ating bansa.
Placement Examination para sa Incoming G8 Learners,
nagsimula na
ni Clarisse Anne Panotes, Grade 12 HUMSS Block 2
Muling isinasagawa ngayong araw, June 8, 2024 ang placement examination para sa mga incoming grade 8 students, sa LGMCi, Main Building.
Taunang ginagawa sa LGMCi ang placement exam para maisaayos ang opisyal na sectioning ng mga incoming grade 8 students. Ang bawat estudyante ay may limang major subject na sasagutan, English, Filipino, Math, Science, at Araling Panlipunan. Ang mga ito ay may 50 items kada subject na sasagutan lamang sa loob ng 50 minuto.
Base sa guidelines na binuo ng committee ng placement examination, 30 na estudyante ang inaasahang makakapasok sa Prime section na may average na 90% pataas base sa resulta ng pagsusulit. Sa Faith section naman, inaasahan na ang makakapasok ay may 89% hanggang 85% na average base sa resulta ng pagsusulit. Ang mga hindi naman makakapasok sa kwalipikasyon ay awtomatikong makakasama sa heterogeneous sections na Hope at Love. Surname ang magiging batayan para sa pinal na listahan. Ayon pa sa committee, kung hindi aabot sa minimum na 30 na estudyante ang makakapasok sa prime section, maaaring ibaba nila sa 87% ang average mula 90% samantala, 86% hanggang 82% para sa faith section.
“Ngayon po na nalalapit na ang placement exam for incoming grade 8 learners, which is isa ako sa mga mag t-take ng exam. Kinakabahan ako and masaya at the same time. May mga preparations na din akong naisagawa tulad ng, pag-gather ng information kung ano yung mga subjects na i t-take, and yung most essential part na nagawa ko na is, nag review ako ng mga lessons namin na covered ng 1st-4th quarter about sa given subject.” pahayag ni Gabriel De Jesus, isang incoming grade 8 student.
Inaasahang lalabas ang resulta ng placement examination sa Lunes, June 10, 2024 sa website ng Luntiang Pluma.
Enrollment para sa Incoming Grade 7 Learners, sinimulan na
ni Franzen Angela E. Angana, Grade 12 HUMSS Block 1
Sinimulan na ang pagpapalista para sa mga incoming Grade 7 learners ngayong Hunyo 3, 2024, saktong ika-8 ng umaga sa Leon Guinto Memorial College Admin Building.
Ang schedule ng enrollment para sa incoming Grade 7 ay nagsimula ngayong Hunyo 3, 2024, para sa mga early registrants na awtomatikong magiging Education Service Contracting (ESC) grantee. Simula Hunyo 5, 2024, ang enrollment para sa mga mag-aaral ng Grade 7 ay magpapatuloy. Gayunpaman, kung may matitirang ESC slots, ito ay ibibigay na lamang sa mga mauunang makakapag-enroll sa naturang araw.
Ang mga dokumentong kailangan para sa pagpapalista ay kinabibilangan ng isang long brown envelope, dalawang piraso ng 2x2 na litrato (puting background), dalawang piraso ng 1x1 na litrato (puting background), Grade 6 Report Card (original at isang photocopy), at PSA Birth Certificate. Ang mga magulang at estudyante ay pinapayuhang dalhin ang lahat ng kinakailangang papeles upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa proseso.
Sa pagsisimula ng enrollment process ngayong araw, ang Leon Guinto Memorial College ay umaasang maayos at matagumpay ang kanilang pagtanggap sa mga bagong miyembro ng paaralan
Ngayon ang huling araw ng enrollment para sa early registered Grade 7 students
ni Jillian Estrada, Grade 11 STEM Block 1
Natapos ngayong araw, June 5, 2024, ang enrollment para sa mga early registered Grade 7 learners para sa taong panuruan 2024-2025.
Ang isinagawang early registration ay nagsilbing reservation para sa 140 ESC slots na nakalaan para sa incoming Grade 7 learners.
Kung hindi nakapag-enroll ngayong araw ang mga early registered Grade 7 students, bubuksan na ng paaralan ang ESC slots para sa mga estudyanteng hindi nakapagpalista.
Ayon sa registrar, sa loob ng tatlong araw, 122 na estudyante ang naka-secure ng ESC slots, at may natitira na lamag na 18 slot para sa mga gustong humabol pa.
Bagong mga pasilidad ng Leon Guinto, mas pinaganda
ni Jillian O. Estrada, Grade 11 STEM Block 1
Sinimulan ng Leon Guinto Memorial College, Inc. (LGMCi) ang proyektong pagpapagawa ng bagong pasilidad sa kanilang paaralan nitong Agosto 2023 kasabay sa pag sisimula ng taong panuruan 2023-2024 sa layuning mapalakas ang kakayahan at kapasidad ng kanilang mga mag-aaral sa pag-aaral at pagpapaunlad.
Sa ilalim ng proyektong ito, ang mga lumang pasilidad ay unti-unti nang binabago at inaayos upang masunod ang mga pangangailangan ng mga estudyante lalo na dahil sa pinaka bagong strand ng LGMC Senior High School na Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).
Isa sa mga pangunahing layunin ng proyektong ito ay ang pagpapatibay ng imprastruktura ng paaralan upang mas mapalawak ang saklaw ng kanilang edukasyonal na programa at mas mapataas ang kalidad ng pagtuturo at pag-aaral.
Kasama sa mga inaayos na pasilidad ang mga silid-aralan, mga laboratoryo, at iba pang espasyo sa paaralan na naglalayong maging makabago at kaaya-aya para sa kanilang mga mag-aaral at guro.
Ang mga bagong pasilidad ay idinisenyo upang magbigay ng mas magandang kapaligiran sa pag-aaral na may modernong pasilidad at mga kagamitan na tutugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang larangan kagaya ng panibagong gusali at pag dadagdag
ng hagdan.
Kasabay ng pagpapagawa ng mga bagong pasilidad, sinisikap din ng LGMC na ayusin at palakasin ang mga kasalukuyang pasilidad sa paaralan, air conditioner, electric fan, tiles, ilaw at bagong white board, ang ilan sa mga halimbawa nito.
Ito ay upang mapanatili ang kanilang kalidad at kakayahan sa pagtuturo at pag-aaral habang nagpapatuloy ang mga proyekto ng pagpapagawa.
Sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga kasalukuyang pasilidad, mas mapatatag ang pundasyon ng paaralan at mas mapalawak ang kanilang kakayahan na magbigay ng dekalidad na edukasyon at ang kakayahang magbigay ng mga oportunidad para sa kanilang
mga mag-aaral.
Sa pagsasaayos ng mga ito, mas maraming mag-aaral ang mabibigyan ng mga mas magandang pagkakataon na mapalawak ang kanilang kaalaman at kakayahan
sa iba’t ibang larangan.
Ang proyektong pagpapagawa at pag-aayos ng pasilidad sa paaralan ng LGMC ay isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagpapabuti ng edukasyonal na sistema ng paaralan.
Ito ay naglalayong mapalawak ang kapasidad ng paaralan na magbigay ng dekalidad na edukasyon at magtamo ng tagumpay sa hinaharap, sa pamamagitan ng modernisasyon at pagpapatibay ng kanilang imprastruktura at pasilidad.
SHS Voucher, umiiral parin sa LGMCi
ni Jillian O. Estrada, Grade 11 STEM Block 1
Nilinaw ng Leon Guinto Memorial College Inc. (LGMCi) na hindi mawawala ang Voucher program para sa mga mag-aaral ng paaralan at para sa mga susunod na nais mag aral sa LGMCi, nitong ika-20 ng Abril, 2024.
“Dun po sa mga pag-aakala na wala na pong matatanggap na sabsidiya ay nag kakamali po,” paglilinaw ni Ginang Corazon L. Natividad, ang punong guro ng paaralan.
Matapos lumabas ang balita na tatanggalin na ang Senior High School program sa mga State University and Colleges (SUCs) at Local University and Colleges (LUCs) maraming estudyante at magulangin ang nag alala sa maaaring pag kawala ng Sabsidiya o Voucher mula sa gobyerno sa paaralang LGMC sa susunod na taon.
“Patuloy parin po tayo dahil tayo po ay private school, hindi po tayo kasama sa SUCs at LUCs, Yan po ay aming pinababatid sa inyo.” paglilinaw ni Gng. Natividad “Huwag po kayong mag-alala sa lahat ng nais mag-aral at mag-aaral sa aming paaralan ng Leon Guinto Memorial College, meron pa po kayong matatanggap na subsidiya mula sa gobyerno.” aniya tuloy parin ang pag-tanggap ng mga mag-aaral ng LGMC sa sabsidiya sa kabila ng pag-tigil ng mga SUCs at LUCs sa pag-alok ng SHS program sapagkat hindi apektado ang paaralang LGMCi na isang pribadong paaralan.
Maraming nag-aakala na matatanggal na ang SHS program sa buong bansa ngunit ito ay isang maling kuro-kuro.
Aalisin lamang ang SHS program sa mga SUCs at LUCs na hawak ng Commission on Higher Education (CHED) alin sunod sa naging kasunduan ng Department of Education (DepEd) at CHED habang nasa transition period pa ang K-12 program ng DepEd noong 2016.
Nagkasundo ang CHED at DepEd sa pagtanggap ng SUCs at LUCs ng SHS program habang nasa transition period pa ang programa sa loob ng limang taon dahil walang papasok na freshmen sa College dahil sa K-12 program at dahil na rin sa kakulangan ng kaguruan sa mga High School.